Saturday, July 19, 2008

Kontra-DIVA

Matagal akong nawala...

Oo! Alam ko 'yun.

Akala ko hindi na ako magkakaron pa ng pagkakataon na sumulat sa blog ko dahil sa maraming kadahilanan

Matapos akong mangarap ng napakataas...

Bumagsak akong muli...

Mas masakit ngayon...dahil nakita ko na ang sarili kong naroroon na ako at kabilang nila.

Pero hindi.

Mabuti na lang at hindi ko tinalikuran ang pangarap ko at humanap ako ng ibang paraan...

Lagi ko ngang sinasabi...
KUNG AYAW KA PARAANIN SA PATH NA GUSTO MONG TAHAKIN MO PARA MAKAMIT ANG GUSTO MO...BY ALL MEANS, HUMANAP KA NG IBANG DAAN...O SIRAIN MO ANG NAKAUGALIANG DAAN AT GUMAWA KA NG BAGO.

Masaya ako ngayon...

Fruitful kasi ang pinili kong daan.

I am taking up voice lessons...

at hindi ko naisip sa buong buhay ko na makakakanta ako ng Josh Groban songs dahil mataas nga yun...

Pero NO...yun na ang piyesa ko ngayon! Wahahaha!


Simula ako ulit...pero masayang magsimula kung ganito!

Sunday, April 27, 2008

....

Warm-up
Vocalization
Ss-Ch-Ss-Ch-Sssss
Artistic Elements
Conflicts
Group Dynamics
Living Together
Tenor
Zsazsa Zaturnah
Love Triangle
Look alike
Crush
Maraming nagyayari sa akin these days... Basta...Masaya ako! Maraming pinag-iisipan...pero masaya ako! TSka na ang mga updates. I'm leaving all of you with the lyrics of BErnadette Peters' Unexpected Song. Ito siguro nafifeel ko ngayon...



I have never felt like this
For once I'm lost for words
Your smile has really thrown me
This is not like me at all
I never thought I'd know
The kind of love you've shown me
Now, no matter where I am
No matter what I do
I see your face appearing
Like an unexpected song
An unexpected song
That only we are hearing

Tuesday, March 25, 2008

ITLOG

ITLOG.



Tuwing EASTER SUNDAY, nagkakaroon ng tradisyon kung saan hinahanap ang mga itlog na nakatago upang magkaroon ng premyo o kung anu pa man....





Hayaan niyong ikuwento ko sa inyo ang kuwento ng aking itlog...



Nakakamangha ang mga itlog. Isa siyang bagay na nagpapamalas ng isang hiwaga. Ang putting ballot sa labas na tinatawag ding “shell” sa ingles ay ang matigas nitong parte na nagpoprotekta sa loob nito. Matigas ito. Sinadya sigurong ganoon upang hindi masira ang napakalamabot nitong loob. Pero hindi rin naman siyang sobrang matigas na hindi mo na mabubuksan. Tama lang. Tamang-tama lang. Ang loob naman ay naglalaman ng malapot na likido kung saan ito ang ginagamit nating pagkain…sa madaling salita, nakakatulong ito sa atin at nagbibigay sustansiya.

Pero paano natin nalaman na ganito ang itlog? Nalaman natin ito dahil minsan sa ating buhay ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na magbukas nito at makita para sa ating sarili ang tunay nitong hiwaga.

Nakakatuwa ang itlog ano? Para siyang tao. Matigas sa labas. Punong-puno ng maskara at proteksiyon upang iligtas mula sa sakit ang malambot nitong loob. At lahat din naman ng tao, parang itlog, kung makakapagsalita lang sila, ay nag-aasam ding mabuksan, mabasag upang maipakita nila ang tunay na sila sa lahat.

Kaya minsan, naisipan kong ibigay ang itlog ko sa isang tao. Aaminin ko sa aking sarili na hindi pa ako masyadong handa nung mga panahong iyon. Ngunit nilabanan ko ang takot at ibinigay ito sa kanya. Noong una ay inakala kong nagustuhan niya at darating ang panahon na bubuksan niya ang itlog upang kilalanin pa ng mas mabuti…pero hindi. Binasag niya ito sa harapan ko at tinapakan.

Pero hindi ako sumuko. Nagbigay muli ako ng itlog sa isa na naman. Masaya naman kami. Magkalapit ang aming loob. Hanggang sa bubuksan na niya ang itlog. Pagbukas ng itlog ay bugok pala. Kahit gustuhin ay hindi maari. Malungkot pero tanggap ko.

Tumigil ako sumandali. Bigla na akong natakot. Ilang pang itlog ang masasayang. Ilan pa ang mawawasak at masisira para makamit ko ang gusto ko.

Pero dumating siya. Nagsimula ang lahat ng iba. Ibinigay ko sa kanya ang itlog at nangako naman siyang iingatan iyon hanggang sa takdang panahon na maari na itong buksan. Naghintay naman ako. Mahirap maghintay pero ginawa ko dahil hawak ko ang pangako niyang “siya na nga”.

Pero katulad ng iba, wala pa rin pala. Nakita ko na lang ang itlog na nasa basurahan na. Oo, nagbukas nga siya ng itlog…pero hindi ang sa akin. Ipinagpalit niya ang itlog ko para sa ibang itlog na mas nais niyang buksan at kilalanin.

Matapos ang lahat, madaling sabihin na dapat ng sumuko at tumigil. Pero kung hindi ibibigay, masisira lang ito sa akin. At naniniwala akong hindi dapat pinipigilan ang mga bagay kung alam mo naming makakatulong ito sa iba…magbibigay ligaya, pagmamahal…etc.

Hanggang sa may dumating pang isa. Mabait siya. Palangiti at palatawa. Misteryoso rin siya na kahit mag-usap kayo buong araw ay pagkatapos noon…marami pa ring matitirang katanungan tungkol sa kanyang pagkatao. Pero gusto ko siyang kilalanin. Gusto ko dahil pinapasaya niya ako. Gusto ko dahil binubuhay niya ako. Kaya gusto kong ibigay ang itlog sa kanya…at umaasang bubuksan niya ito at kikilalanin…mamahalin.

Dahil ako, kahit sa sandaling panahon pa lamang…handa na akong kunin ang itlog niya, buksan at kilalanin at gawing parte ng buhay ko.

Pero hindi. Binigay ko ang itlog. Pinilit kong buksan niya...pero wala. Naniniwala siyang, hindi kailangang kunin ang itlog at buksan upang maging bahagi siya ng buhay ko.

Pang-apat na to. Ilan pa ang masasayang?

Pero siguro...siguro hindi pa dito nagtatapos ang lahat...

HAPPY EASTER!

Sa mga naghahanap ng itlog...sana mahanap niyo ang hinahanap niyo.



At sa mga natatakot tumayo at maghanap...hindi gugulong ang itlog sa harapan niyo ng basta lang. At kung may gumulong na ng kusa sa harap niyo...kunin niyo na.

At ako...sana makita ko na ang makakahanap at magbubukas ng itlog ko.

Sunday, March 09, 2008

bitaw

BITAW




Kahit alam ko na ang sagot noong una pa lang ay sinubukan ko pa rin. Sabi ko sa sarili ko ay wala namang mawawala. kung hindi ako susubok, habambuhay na lang ako mabubuhay sa "what ifs".

Kaya iyon nga ang ginawa ko. Sumubok. Halos ibigay ang lahat.

Pero may mga bagay talagang kahit magsakripisyo ka ng katumbas o higit pa sa gusto mo makuha ay hindi pa rin ito mapapsayo. May mga bagay din na mahirap ng baguhin katulad ng emosyon...pagkakaibigan...respeto at marami pang iba.

Kahit alam ko na ang sagot ay masakit pa rin pala kapag nalaman mo mula sa kanya.

Kahit akala ko handa na ako ay nasugatan pa rin ang aking puso.

Kahit sanay na ako masaktan ay nanunuot pa rin ang sakit na sa bawat piga ng dugo ay nais ko na itong isuka.

Lolokohin ko naman kasi ang sarili ko kung sasabihin kong hindi masakit.

At mas lalo kong lolokohin ang sarili ko kung sasabihin kong bukas ay okay na ako.



Pero simula na ito. SImula ng pagbitaw sa mga bagay na isiniksik ko sa puso ko sa pag-asang mahalin din niya ako.

Sabi niya nga hindi naman kailangan maging "kami" para maging malaking parte kami ng buhay ng isat-isa.

Akala ko dati bata lang siya. Pero sa mga sagot niya sa akin kagabi, parang ako pa ang batang nagpupumilit sumiksik sa buhay niya.

Malungkot...kasi naulit na naman. Naaktan na naman ako.

Masakit...dahil wala na akong magagawa kundi bumitaw.

Pero sa lahat...masakit man, masaya akong nagrisk ako para sa kanya.

The whole experience was worth it!




Salamat Asson aka "tooot"!

When I wake up each morning trying to find myself
And if I'm ever the least unsure I always remind myself
Though you're someone in this world that I'll always choose to love
From now on you're only someone that I used to love

Friday, February 22, 2008

Maldita's Valentines Celebration.

Maling isipin na ang Araw ng mga Puso ay para lamang sa mga may karelasyon. Para rin ito sa mga nag-aasam na may magamahal sa kanila. At para rin ito sa mga taong masaya naman kahit mag-isa. At para rin ito sa mga taong walang takot na sumusuong sa landas ng pag-ibig kahit wlang kasiguraduhan.

Hindi lamang ang mga may kasama sa araw na ito ang dapat maging masaya.

Lahat may karapatan lumigaya...

Lahat may karapatan mangarap...
Lahat may karapatan ipamalas ang kagandahan nilang hindi nakikita ng mga bulag na nilalang.
Kaya noong nakaraang Valentine's Day ay kinausap ko ang aking kaibigan upang magkaroon ng mini photoshoot around UST. Tama ang nabasa niyo, Lumibot kami sa buong UST upang ipangalandakan ang aking bigong puso at ang aking kabitteran sa pag-ibig.





















Salamat nga pala kay Gabby Oblefias para sa mga pictures.
Makikita niyo siya sa "gabchilog.blogspot.com"

Tuesday, February 12, 2008

Tatlong Mukha ng Pag-Ibig

Araw ng mga puso. Ipinagdiriwang ito upang ipagsigawan ng mga tao ang hindi matatawarang kapangyarihan ng pag-ibig. Hindi man natin maintindihan kung paano ito nagtatrabaho at gumagalaw ay patuloy tayong naniniwala sa nagagawa nito para sa atin at sa ating buhay. Lahat tayo ay umaasam na sana ay matagpuan natin ang taong kikilala sa ating buong pagkatao at sasamahan tayo hanggang sa ating huling araw sa mundo o higit pa.
Kaya para sa araw ng mga puso ay ipinakikilala ko ang aking pamilya...Ang tatlong henerasyon ng mga taong umiibig at umibig.
Sila ang mga babae sa pamilya namin...mga matatag at matatapang na babaeng humaharap sa hamon ng buhay at pag-ibig. At sa di sinasadyang galaw ng tadhana ay mukhang pare-pareho kami ng landas ng puso na tinatahak.

Si Veronica...ang aking lola.




Nagtagpo sila ni Benjamin noong sila ay bata pa sa kanilang probinsiya...sa Taal, Batangas. Madali silang nagkagustuhan at nagbuo ng relasyon. Tumututol ang pamilya ni Veronica sa pag-iibigan ng dalawa sa kadahilanang marami raw pangarap ang mga magulang niya sa kanya. Mahirap din daw na hindi niya makikita ang kasintahan ng mdalas sa kadahilanang mula pa sa Pampanga si Benjamin. Pero matigas ang ulo ni Veronica. Ipinaglaban niya ang pagmamahal kay Benjamin. Kung sa pangarap din lang namn ng kaniyang mga magulang, ayaw niyang tumulad sa kanyang mga kapatid na babae na naging guro at tumandang dalaga. Dahil pa dito, ang kanyang paboritong ate ay nabaliw sa kalungkutan. Kung kaya, nagtanan sila ni Benjamin at pumuntang Maynila...dala-dala ang sumpa sa mga sarili na hindi muling babalik sa kani-kanilang probinsiya.

Nagagawa nga naman lahat kapag ginusto at may kasamang pagmamahal. Kinaya ng dalawang buhayin ang mga sarili. Nagtayo na rin sila ng sariling pamilya. Bagama't hindi mayaman ay naibibigay naman nila ang mga kinakailangan ng mga anak. Nagkaroon sila ng walong anak na nabuhay. Si Alberto, Zenaida, Corazon, Minerva, Lucia, Benigno, Monica at Maria.
Nagsama silang dalawa ng matiwasay. Kahit na nalaman pa ni Veronica na nagkaanak si Benjamin sa ibang babae ay hindi siya nakipaghiwalay dito. Sa kasawiang palad, ay maagang namatay ang babaeng naanakan ni Benjamin. Kung kaya, inako ni Veronica ang anak nito at itinuring niyang parang sa kanya.

Marubdob ang pagmamahal nila sa isa't-isa. Na kahit na nao na yata ay hindi sila maaring mapaghiwalay. Natatandaan ko pa noong bata pa ako ay nagkukuwento pa si lola kung paano sila maglambingan.

Dahil sa paninigarilyo ay namatay si Benjamin. Nalungkot si Veronica. Pero hindi natapos doon ang pagmamahal niya sa asawa. Hanggang ngayon ay nakukuwento niyang dinadalaw pa rin siya nito sa panaginip upang kahit doon ay mabuhay ang kanilang pagmamahalan.

Si Corazon...ang aking ina.





Pangatlo siya sa magkakapatid. Kahit hindi panganay ay siya ang nagsilbing pinaka-ate sa mga nakakabatang kapatid dahil na rin sa maagang pag-aasawa ng kanyang kuya at ate. SIya na rin ang naging katulong ng mga magulang sa negosyo at bahay. Kahit kailan ay hindi nagreklamo si Corazon tungkol doon. Sinunod niya ang lahat ng utos ng magulang kahit ang naging kapalit noon ay ang kanyang pag-aaral. Isinuko niya ang pag-aaral upang ituon lahat ng oras at pagmamahal niya para sa pamilya. Lahat ng hirap ay tiniis niya. Kahit mawalan siya ng sariling buhay ay ginawa niya.
Minsan nga, hanggang ngayon ay pinag-aawayan pa rin namin kung bakit niya pinagpalit ang edukasyon para sa pamilya niya. Ang lagi naman niyang sagot ay dahil daw mahal niya ang mga ito. At hindi naman daw iyon ang kailangan para maghusgahan siya ng tao. Minsan naniniwala na rin ako sa kanya. Dahil sa kanilang lahat na magkakapatid, siya ang pinakasuccessful at may kaya.

Hanggang sa dumating sa buhay niya si Florendo. ang una at huling lalakeng minahal ni Corazon. Bagamat nagmamahalan na, ay pinaghintay pa rin ng matagal ni Corazon ang lalake upang matiyak lamang na bago siya lumagay sa tahimik ay maayos na ang buhay ng kanyang mga kapatid. Dahil doon, ay matanda nang nakapag-asawa si Corazon. Mabuti at nabiyayaan sila ni Florendo ng isang anak na ubod ng galing at ganda...kahit na maldita.

Pero wala ata sa kapalaran talaga ni Corazon ang maging asawa. Mabilis dumating ay mabilis ding nawala. Matapos ang ilang buwan matapos ipanganak ang anak nila ay binawian na ng buhay si Florendo dahil sa sakit sa puso.

Hindi na naghanap pa ng iba si Corazon mula noon. Muli siyang bumalik sa pinakaalam niyang bagay sa mundo-iyon ay ang pagmamahal sa pamilya. Imalagaan niya ng buong puso ang anak at itinaguyod ito. Minahal niya ito ng buong-buo kahit ano pa ito.

At sa huli...si Maldita



Siya ang butihing anak ni Corazon. "Unica Hija" ng pamilya. Dahil sa maagang pagkamatay ng ama ay pinalaking mag-isa ng kanyang ina. Ngunit hindi naman siya nagkulang ng pagmamahal mula dito. Nakuha lahat ni Maldita ang kinakailangang pagmamahal mula sa ina upang matawag ngang isang pamilya ang kung ano mang meron sila kahit na walang tatay.
Pinalaki siya ng kaniyang ina na puno ng prinsipyo at tamang paniniwala sa buhay...na kaniya rin namang dinadala magpahanggang ngayon. Isa sa mga mahahalagang itinuro sa kanya ng ina ay ang katotohanang hindi mo makukuha ang lahat ng gusto mo sa buhay. Kahit nag-iisang anak lang siya, mula pa noong bata, ay sinisigurado ng kaniyang ina na hindi sa lahat ng panahon ay ibibigay nito ang lahat ng gusto ng bata.
Laging sinasabi ni Corazon sa anak na "Hindi ka dapat masanay na makuha lahat ng gusto mo. Dapat matuto ka rin mafrustrate kung minsan. Hindi magandang makuha mo ang lahat ng gusto mo. Dahil paglaki mo at nasanay kang ganyan ay masasaktan ka lang dahil hindi mo laging makukuha ang nais mo sa tunay na mundo".

Bata pa lang noon si Maldita ngunit ganito na kalalim ang mga itinuturong aral sa kanya ng ina.
AT ngayong malaki na siya ay natatandaan niya pa rin iyon. Lagi niyang isinasapuso ang aral na ito.
Ngunit minsan kapag nag-uusap kami ng sarilinan ay nalulungkot pa rin siya. Dahil sa kahit na masyado na niyang naisapuso ang aral ay hindi niya pa rin ito maintindihan ng lubusan.

Lalo na at ang pinakamalaki naman niyang inaasam lang buong buhay ay matagpuan ang taong mamahalin niya at mamahalin siya pabalik.

Tatlong nilalang...

Isang nagmahal ng buo at ipinaglaban ang pag-ibig hanggang kamatayan...

Isang nagmahal at nagsikripisyo ng buhay para sa iba.


At isang nagmahal at hanggang ngayon ay patuloy na umaasang mamahalin siya...

Ito ang tatlong henerasyon ng mga mangingibig sa aking pamilya.

Wednesday, February 06, 2008

For LOVE or PRIDE...

Buhay nga naman...
Ilalagay ka talaga nito sa mga pagkakataong hindi mo minsan maintindihan.
Nakita ko ang aking sarili sa kani-kanina lang sa isang mala-REALITY TV na sitwasyon.
Ang title ng palabas... "For LOVE or PRIDE".

Para rin itong sikat na For Love or Money, kung saan sa huli, ay mamimili ang nanalo between the cash prize or yung tao.

With a twist nga lang ito.

Imbis na sa isang bahay ang setting ay sa isang Pre-school ang lugar. Hindi ko kinakailangang tumira doon. Kinakailangan lang na magtagal ako doon at makihalubilo sa mga tao kasama na si tooot. In line kasi ito sa malakihang selebrasyon na ipinagdiriwang ng institusyon kung saan napapabilang ang aming organisasyon ni tooot. Hindi naman siguro namin makukuha ang pangalan ng organisasyon namin kung hindi rin sa pangalan ng institusyon.

Ang group task sa reality show ay maghanda ng isang maikling skit para sa mga taga pre-school at pati na rin sa mga tao sa baranggay doon.

Ang personal task ko, to spend more time with tooot.

Pero unlike the real show, marami kang kalaban at lahat kayo ay mag-aagawan para sa puso ng isa while keeping in mind na maari ka ring manalo ng malaking amount ng salapi.

Sa show ko, wala akong kalaban...kung meron man ay wala sila doon. Aking-akin si tooot ng mga panahong iyon.

Ang kalaban ko lamang ay ang aking sarili: Ang aking kaartehan at kasinglaki ng aparador na PRIDE.

Kahit hindi naman ako talaga kasama sa lakad ay isiningit ko talaga ang aking sarili for moral suport keme at siyempre for tooot. Noong mga unag parte ay ok pa. Nag-uusap kami ng matagal at as usual ay nag-eenjoy kami sa company ng isa't-isa...

Hanggang sa...

Hindi ko alam na isa pa lang buong programa ang pupuntahan namin(may prayer, games, intermission and all that kumembulars) na tale note ay kasama ang mga lider ng institusyon. Ang siyang mga lider na pumutol sa isa sa mga pinakamalaki kong pangarap sa buhay.

Pagdating namin doon ay asiwa na ako, hindi na ako nakapagfocus. Umiral na ang ipinagmamalaki kong pride. Umaandar sa isip ko na it feels weird being there...helping those people na ayokong-ayoko na makita. Hindi ako mapakali.

Kaya nagstatement na ako. Sabi ko dahil sobrang init ay pagkatapos ng performance ng aking mga kasama ay aalis na ako. Buti na lang ay may isa akong kaorg na sumegunda at ninais na sumama.

Pero hindi pa rin ako nagpatalo, nilapitan ko siya at inaya.

Pero again, knowing tooot...maarte siya! Punyeta! Noong una ay pumayag na siya, pero sa kahulihulihan ay nagpasya pa ring manatili na lamang doon at sumabay sa sasakyan na pabalik sa institusyon.

Kainis di ba?

Kaya ang verdict ng show...nanalo ako dahil naipaglaban ko ang gusto ng aking sarili na wag magpailalaim sa mga lider ng institusyon. Pero talo dahil hindi naman iyon ang point ng pasali ko di ba? Ang gusto ko ay makasama siya.

Mahirap nga namang kalabanin ang sarili mo.

Friday, February 01, 2008

Simula ng Pagbitaw?

Photobucket


Minsan, ang mga bagay na hindi na kayang panghawakan ay dapat na lamang bitiwan.

Buong buhay kong hinahanap ang taong iyon. "SIYA". Ang magpapatigil sa mabilis na ikot ng mundo. Ang magpapalambot sa bato kong puso. Ilang beses na rin akong nakakilala ng mga tao na inakala kong maarin maging sila ang hinahanap kong "SIYA". Ngunit, lagi ata akong nagkakamali.

Matapos ang pinakamabigat kong pagkahulog nang nakaraang 2006, ay masyado akong nakulong sa ideya na ngayong bukas na ako uling umibg at magmahal ay makikita ko na "SIYA". Kaya ipinagpatuloy ko ang paghahahanap hanggang sa nakita ko si tooot. At katulad ng mga nakaraan, hinayaan ko na naman ang aking sarili. Hinayaang kilalanin siya ng aking sistema at ng aking puso.

Hinayaan ko ang aking sariling mahulog sa kanya.

Humukay ako muli ng puwang sa aking puso upang ilaan para sa aking pagmamahal sa kanya.

Bagamat noong una pa lang ay alam ko na sa sarili ko na mahihirapan akong makuha siya ay itinuloy ko pa rin. Hinayaan ko lang ang aking sarili. Ang sabi ko kasi ay wala namang masamang umasang lumigaya din. At sa dami na ng pinagdaanan ko ay alam ko sa sarili kong karapat-dapat rin akong lumigaya.

Ngunit habang tumatagal, katulad nga ng sinabi ng isa kong kaibigan, nawawala na ang mga positive expectations. Naglalaho...

At katulad ng sinasabi sa akin madalas ni Reigning MRS. kapag tinatanong ko siya kung ano ang dapat kong gawin ang lagi niyang sagot ay "Alam mo na ang sagot, hindi mo lang matanggap na iyon na nga."

At tuwing naaalala ko iyon ang laging sagot lang na nraramdaman ng aking puso ay...

HINDIAKO MAMAHALIN NI TOOOT KAHIT KAILAN...WALANG PATUTUNGHAN ITO.

Kaya ngayon, nahihirapan ako...nanlulumo...nanlalambot...

HIndi ko kasi alam ang gagawin ko.

Gusto kong ipagpatuloy ang ginagawa ko kay tooot dahil masaya ako doon, pero alam ko naman na wala rin. At kung susuko naman ako ay kakainin ko ang pride kong ayaw na sumusuko dahil alam ko din naman na bakit ko kailangan mag-effort kung wala din naman.

Gusto ko nang bumitaw na ayaw ko...

Gusto ko nang tumigil na ayaw ko...

Gusto ko si tooot. Gusto ko siya makasam lagi. Pinapasaya niya ang araw ko. Pinapagaan niya ang mabigat kong tingin sa mundo. Gusto kong maging kami. Gusto kong manalo sa pagkakataong ito. Sawa na akong maging talunan sa pag-ibig. At higit sa lahat, gusto kong isampal sa lahat ng tao na kaya ko ring maging maligaya.

Pero nararamdaman kong baka hindi pa ito ang pagkakataon.

Sabi ko nga sa isa ko pa ng kaibigan kagabi,

"Dati sobrang tigas ko. Ang tigas ng tuhiod ko na kayang tumayo mag-isa kaya walang lumalapit upang makita ang kalambutan ng puso ko. Ngayon naman, masyado na atang malambot ang tuhod ko...nahuhulog na lang lagi kahit hindi naman sigurado kung may sasalo."

Thursday, January 24, 2008

PhotobucketPhotobucketPhotobucket


"Ano ba ang mas nakakaawa, ang taong sumuko dahil nabigo sa pag-ibig, o ang taong hindi sumusuko?" -Andy, Coffee Prince

Hindi ko masasabing sanay o nasanay na ako. Ngunit masasabi kong ilang beses ko nang tinahak ang landas na ito...ang landas ng puso. Ilang beses na rin akong sumuong at nakipaglaban para sa inaasam kong pag-ibig...

Maraming mukha...
Maraming pagkakataon...
Iba't-ibang paraan...
Iba't-ibang simula...
pero siyempre
Isa lang ang kinahantungan...
Luha...
Hinagpis...
Paghihirap...
Pare-pareho...

Ito...ang storya ng aking pag-ibig.

Simula pa noong bata ako ay pinangarap ko ng lumigaya. Pinangarap kong makilala ang natatanging lalakeng magpapaibig sa akin at mabuhay na kasama siya habambuhay. Pero habang ako ay nagkakaedad na ay nararamdaman at natututunan kong mahirap pala ang aking kagustuhan.

Babalik tayo sa aking kabataan...highschool. Noong 2nd year ako ay may nakita akong lalaki. Dahil sa pagtatanung-tanong ay nalaman ko na first year pala siya. Noong una ay natuwa ako kapag nakikita ko siyang naglalakad sa corridor, magkakabanggaan sa canteen at kung anu-ano pang sitwasyong maari kaming magkita. At natapos ang 2nd year ko ng ganoon.

Noong nasa 3rd year na ako ay naging madalang na kaming magkita. Nasa 2nd floor na kasi ako at siya ay nasa 3rd floor pa rin.

Hanggang sa isang araw, pagdaan ko sa computer lab ay nakita ko ang aking teacher sa computer na tinuturuan naman ang kanilang klase. Exam noon. Nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam. Pagkatapos niyang sagutan ang kanyang exam at lumabas ng lab ay ako naman ang pumasok. Hindi ko maintindihan pero nagkaroon ako ng lakas ng loob na tanungin ang dati kong teacher kung ano ang pangalan niya at numero. Ibinigay nman sa akin dahil close naman kami ng teacher. Paglabas ng lab ay napuno ng saya ang aking puso. Pag-uwi sa bahay ay pinag-iisipan ko kung itetext ko siya at kung ano ang aking sasabihin. Pero dahil hindi naman likas sa akin na gumawa ng first move ay pinabayaan ko na lang. naniniwala kasi ako dati na kung meant na mangyari ay mangyayari no matter what. Kaya pinabayaan ko na lang. and besides, lumaki akong takot sa mga pagbabago at sa pagtetake ng risks.

Dumaan ang mga araw na walang nagyayari. Dumadaan din ang mga araw na nakikita kong sumasaya ang mga tao sa paligid ko dahil nagkakaroon sila ng karelasyon. Dumadaan ang mgar araw na dahil sumasaya ang mga tao ay napupuno ng galit at inggit ang puso ko. Nagsimula akong magalit sa mundo. Ang lagi kong tanong noon ay "Nagpapasalamat ako sa lahat ng blessings na binibigay sa akin, pero hindi ko naman hiningi lahat ng iyon...pero bakit ang kaisa-isang bagay na matagal o buong buhay ko nang hinihiling ay hindi pa rin matupad?" Naiinis ako na makita ang mga tao sa paligid kong masaya at punong-puno ng ngiti ang mga labi habang ako ay lugmok sa kalungkutan at pag-aasam. Sabi ko sa sarili ko noon ay hindi fair iyon. Pantay-pantay lang naman kami, bakit nila nakukuha ang bagay na iyon samantalang ako ay hindi.

Fast forward....

Dumating ang araw ng retreat namin noong 3rd year. Ibinuhos ko doon ang lahat ng namumuong galit ko sa tao at sa diyos. Isinigaw ko ang lhat ng saloobin ko. At sa huli ay nilinaw ko ang mga bagay-bagay at hiniling nasana ay dumating na "siya".

Tatlong araw ang retreat. Biyernes, Sabado at hanggang Linggo. Sa kamalasan ay walang signal sa Caleruega. Kung kaya't binuksan ko lang telepono ko nang kami ay nasa bus na pauwi. Sa aking gulat, Nagtext ang crush ko. Nagtatanong siya sa klasmeyt niya ng gagawin nila para sa isang report. In short, wrong send. Pero natuwa ako. Sabi ko sa sarili ko ay baka ito na. Baka sign na iyon. Pag-uwi ko ay tinext ko siya. Sinabi ko ay wrong send. Pero dahil sa pagiging mahiyain na naman ay hindi ako nagpakilalang ako. Nagpakilala ako bilang isang babae dahil na rin sa takot dahil alam kong straight siya.

Dumaan ang lunes at martes na nagtetext kami.

Pero sa di inaasahang pagkakataon ay nabuko niya rin ako. Tumawag siya sa telepono ko at nalaman niyang lalake ako. Hindi naman siya naglit pero sinabi niyang hindi na siya ulit magrereply. Madaling araw noon. Hindi na ako nakatulog. Pagpasok ko ng miyerkules ay malungkot ako at balot ng agam-agam. Pero that time, hindi ako sumuko. Nagtext ako kahit huling beses na. Sabi ko ay wala naman akong masamang intensyon. Gusto ko lang makipagkaibigan. at sinend ko na nang umaasa akong magreply siya.

Huwebes ng madaling araw... Nagreply siya. Sabi niya ay hindi talaga siya nakikipagkaibigan sa mga bading pero...it's worth a try naman daw. AT dahil sa timuran niyang iyon ay lumundag ang aking puso at sumigaw sa loob ng kaing dibdib.

Naging malapit kami sa isa't-isa. Nagtetextan araw-araw. Nagtatawagan. Ang sabi ko pa nga noon ay, baka ito na nga. Ang term ko sa nagyayari sa aming dalawa noon ay parang kami na pero walang formality ekek. Masayang dumaan ang mga araw sa amin. Pero dahil sa pagkaduwag ko ay hindi pa rin ako gumagawa ng mga paraan...hinihintay ko lang mangyari ang mga bagay-bagay.

Hindi ko alam na ang kaduwagan ko pa lang iyon ang sisira sa aming dalawa. Nalaman ko na lang na nililigawan na niya ang kaibigan kong babae. Noong nalaman ko iyon ay nagalit talaga ako. Hindi ko masabi kung anong nararamdaman ko. Basta gusto ko lang sumabog. Kahit luha ay walang pumapatak. Galit lang ang bumalot sa pagkatao ko. Dito na ako nagsimulang magsuot ng itim. Nagalit ako sa kaibigan ko. Ginawa ko s kanya lahat ng maiisip kong masamang bagay noon na maaring gawin sa traydor na katulad niya. Pero siya...ni hindi ko man lang siya kayang sigawan. Patuloy akong nagpakatanga at patuloy siyang minahal ng aking puso...ng aking buong pagkatao.

Fast Forward...4th year. Gagradutae na ako ng highschool. Nararamdamn ko at alam ko sa sarili kong wala na ang dati naming samahan pero patuloy pa rin ang aking puso sa pagtibok ng kanyang pangalan. SInulatan ko pa siya. Sinabi ko doon ang lahat ng nararamdaman ko at nas puso ko. SInabi ko pa sa sulat na "Kahit nasaan man ako, at kahit nasaan ka man, patuloy kang hahanapin ng puso ko para mahalin".

At diretso na ako sa unang taon ko sa kolehiyo na dala pa rin ang pag-ibig ko sa kanya.

Hanggang sa isang gabi, tumawag siya sa bahay namin. Nagkukuwento na naman siya tungkol sa isang babaeng hindi niya makuha. At pagkalipas ng mga taon, aynatanggap ko na. Naiyak ko ng unang pagkakataon para sa kanya. Luha ng pagbitaw. Naisip ko na kahit anung mangyari...mawala man at nagtagumpay man ako na pigilan sila ng kaibigan kong maging sila ay maraming darating na babae. Mga babaeng bibihag sa kanyang puso at magiging topic ng kanyang mga kuwento...pero ako, kahit kailan...kahit naong gawin ko...kahit ipakita ko sa kanya ang puso kong duguan ay hindi niya ako mamahalin.

Mapagpaasa siya! gahaman. Walang kuwenta. Hinayaan kong umibig ang aking puso para sa isang taong hindi ako kayang mahalin mula pa sa simula.

Iyon ang nagtakda ng pagbabago sa aking buhay. Nagsimula akong magalit sa pag-ibig. Pinigilan ko ang aking pusong tumibok. Pinigilan ko ang aking sarili na mahulog para sa mga taong nasa paligid ko. Naging matigas ako. Kulang na lang ay isuka ko ang kapaitan na naipon sa buo kong pagkatao.

Pero ang tadhana nga ay mahiwaga. Habang ako ay lugmok sa panghihinayang at problema noong aking 3rd year ay nakakilala ulit ako ng isang tao. Wala lang siya sa kin. Kaibigan. Period. Pero hindi pala nakatakdang tumigil sa tuldok ang lahat para sa amin.

Naging malapit kami sa isa't-isa. Lumalabas kaming magkasama. Nagtetextan at nagtatawagan. At dahil doon, pinigilan ko man ay nakita ko na lang ang aking sarili na nahuhulog para sa kanya. Sabi ko noon, sapat na siguro ang kalungkutan at kabiguan na natamo ko. Baka ito na ito.

Sa pangalawang pagkakataon ay umasa ako. Umasa akong ito na ang panahon upang lumigaya ang aking puso. Ibinigay ko sa kanya ang lahat ng pagmamahal na alam kong ibigay. May pagkamaramot man ang pagmamahal na iyon, wala akong pakialam noon. Dahil iyon ang lam kong pag-ibig noon.

Pero sa kasamaang palad. Hindi pa rin. Kahit nga naman ano pala ang gawin mo, kahit ibigay mo pati puso at kaluluwa mo, kung hindi ka niya kanyang mahalin sa paraang gusto mo ay hindi mangyayari ang lahat. Nas isang gilid ako na ibinibigay ang lahat sa kanya, ngunit nasa kabilang dako pala siya, nagbibigay ng pag-ibig para sa iba.

Nagalit akong muli, pangalawang beses na ito pero ganun pa rin. Inisip ko kasi na masyado niya kaong nakilalang matigas at galit sa mundo kung kaya hindi niya narealize na kaya ko din siyang mahalin. Mahirap ang nagyari at pinagdaanan ko sa kanya. Pero natanggap ko. Iba't-iba pa rin kasi ang hugis ng pagmamahal. Hindi lang ang alam mo ang tama. Kaya patuloy ko siyang minahal...ngunit hindi bilang isang maari kong makarelasyon...ngunit bilang isang malapit na kaibigan. At dahil doon ay pinalaya ko na siya at ang aking sarili mula sa gapos ng aking galit, hinagpis at poot.

Dalawang pinakamahalagang taong dumaan at nagpatibok sa aking puso. Dalawang pagkatalong buong buhay kong dadalhin.
Kaya sinabi ko sa sarili ko, kailangan matuto na akong magrisk kahit papano. at kailangang maipakita ko sa mga tao sa paligid ko na hindi ako taong ubod ng tigas na hidi na nila ako maaring mahalin.

Hanggang dumating siya...ang taong muling bumubuhay sa puso ko. Madalas akong tinatanong ng mga kaibigan ko kung mahal ko na siya. Ang lagi ko namang sagot ay hindi pa. Gusto ko pa lang siya. Ngunit madalas din sinasabi sa akin na baka natatakot lang akong aminin sa aking sarili na mahal ko na siya para kapag walang nagyari sa pagtingin ko sa kanya ay hindi ako masyadong masaktan. Ang totoo, hindi ko alam. Siguro nga mahal ko na siya. Ewan. Ang alam ko lang ay gustong-gusto ko siya. Gusto ko siyang laging nakikta, nakakausap at nakakasama. Pinagagaan niya ang mabigat kong pagtingin sa mundo.

At katulad ng nakaraang dalawa ay heto na naman ako. sumusuong na naman sa labanang hindi ko alam ang kahihinatnan...o alam ko na nga ba...pero ayokong isipin. Dahil ang alam ko lang na katapusan sa mga kuwentong pag-ibig ko ay puro sakit at luha. Ayokong isipin na matapos kong hayaang mahulog ang aking sarili ay siya ang pangatlong tao na hindi ako sasaluhin at pababayaan akong mamatay.

Magulo ang isip ko tungkol sa kanya. Kung anu-anong bagay ang laging sumasagi sa aking isipan. Nakakasakit na ng dibdib. Pero wala akong magagawa, Nagririsk ako e. Kasama naman sa pagririsk ang alam mong maari kang masaktan sa huli pero ginagawa mo pa rin. Iniisip kong kapag naitam ko ang mga mali ko sa nakaraan kong dalawang pagkatalo ay mananalo na ako this time. Iniisip kong matapos ang maraming sakit ay nararapat naman siguro akong lumigay sa piling niya.

Pero ewan. Hindi ko naman hawak ang panahon...ngayon pa at paalis na ako. hindi ko rin hawak ang puso niya upang kontrolin na mahalin niya ako at magustuhan.

Nandito na naman ako. Simula bata hanggang magkaedad. Nasa isang tabi...nakatingin sa langit at umaasa. Nasa isang tabi, nakatingin sa mga taong dumadaan, na sana isa doon ay mapansin ako at lapitan...Na ang taong iyon...sana ay siya na.

Ngayon...Masasagot niyo na ba ang tanong ko...

"Ano ba ang mas nakakaawa, ang taong sumuko dahil nabigo sa pag-ibig, o ang taong hindi sumusuko?"