Bakit ba ganyan...heto na naman....
Sadya bang matigas ang ulo ng mga tao? Sinasadya kaya nilang hindi matuto sa mga karanasan nila? Sinasadya kaya nilang paulit-ulitin ang mga pangyayari s abuhay nila para lang sa huli ay wala rin namang pinagkaiba ang kahihinatnan?
Pero kung hindi sadya, talaga bang wala silang kontrol sa mga ilalaan sa kanila ng tadhana? Na kahit anong pigil ay wala silang kapangyarihang tumutol...
Madami-daming beses ko na ring nabanggit sa mga nauna kong post ang tungkol kay "tooot". Pero malabo ang aking pagpapakilala sa kanya. Sa mga nakabasa ng post kong yun... si tooot ay ang apprentice sa organisasyon ko na sinabihan ko sa post ko na "tignan na lang natin ang mga pangyayari sa mga susunod na araw".
At ganun na nga ang nagyari...hinayaan kong lumipas ang mga arwa at hinayaan kong palalimin ng tadhana ang pagkakakilala ko sa kanya.
Dati, isa lang siyang tao na nagpapangiti sa aking mga labi. Ngayon, kasabay ng aking mga labi ay napapalundag na niya ang aking puso. Sa kanyang mga haplos sa aking katawan ay para na rin niyang nahawakan ang aking kaluluwa. Ang kanyang mga titig ay parang sikat ng araw na kailanma'y hindi ko maaring tignan dahil ako'y tutunawin nito. Ang kanyang mga labi na dahilan ng pagkatuyot ng aking lalamunan. Ang kanyang mga yabag at galaw ay animo'y lindol na nagpapayanig sa lupa at sa aking kalamnan. At ang kanyang boses at halakhak na paulit-ulit na tumatakbo sa aking mga tenga ay siya ring yumayakap sa akin sa lamig ng gabi.
Hayan. Ganito ko na siya kakilala ngayon. Ganito na siya kakilala ng aking sistema. Ganito na siya kakilala ng aking paningin, pangamoy, pandinig at pandamdam. Ganito ko na siya kakilala na isang araw ay narinig kong sumigaw ang aking puso...hindi dahil sa sakit at pait na maulit na nitong dinanas. Ngunit dahil sa tuwa at pag-asa. Ganito ko na siya kakilala na kung maaring maging realidad ang aking mga panaginip ay dinasal ko na.
Natulungan ng paglipas ng araw at ng tadhana na mapalalim ang pagkakakilala ko sa kanya. Lumalim ito na para na itong naghukay sa kaibuturan ng aking puso.
Ang tanong lang ay... Ganito rin kaya ang nagagawa ng tadhana at mga arw sa kanya? Napapalalim din kaya nito ang pagkakakilala niya sa akin? O pinapaigting lang nito ang mga dahilan at rason upang balewalain niya ang aking puso. O baka sa simula pa lang ay wala naman palang dahilan ang pagtibok ng aking, puso. Natatakot akong ako lang pala ang humukay ng puwang sa aking puso at kasabay nito ay muli akong humukay ng libingan para dito.
Bakit ba ganyan... Heto na naman... Hindi na siguro ako batuto. Ayoko ang naghihintay. Ngunit katulad ng mga nakaraan, ako na naman ang tangang nauna. Nauuna ako nang hindi ko alam kung may hihintayin ba ako.
Hahayaan ko bang magsalita ang king puso. na hindi ko sigurado kung papaano niya ito tatanggapin? Magpapamals kaya siya ng pag-asa, o hindi siya maaapektuhan, o iiwas siya?
O di kaya ay maghihintay ako na lumalim pa ang sigaw ng aking puso... Ngunit baka wala naman pala akong hinihintay at tuluyan na naman akong malibing sa kadiliman, kalungkutan at pait.
Naglalaban ang aking mga paniniala at nararamdaman. Mailang ulit kong nakikita ang kaing sarili na tahimik at nag-iisip ng malalim.
Bakit ba ganyan? Heto na naman... Ganito na talaga ako sa tuwing titibok ang aking puso. Tuliro, balisa, hindi mapakali.
At sa toto lang hindi ko alam kung anong gagawin kong ending sa sinulat kong ito. Pagkatapos kong magbuhos ng emosyon ay hindi ko alam kung saan tutuloy ang lahat.
Natatakot kasi akong maglagay ng katapusan sa nararamdaman ko ngayon...
Basta alam ko, GUSTO KO SIYA at...
No comments:
Post a Comment