Araw ng mga puso. Ipinagdiriwang ito upang ipagsigawan ng mga tao ang hindi matatawarang kapangyarihan ng pag-ibig. Hindi man natin maintindihan kung paano ito nagtatrabaho at gumagalaw ay patuloy tayong naniniwala sa nagagawa nito para sa atin at sa ating buhay. Lahat tayo ay umaasam na sana ay matagpuan natin ang taong kikilala sa ating buong pagkatao at sasamahan tayo hanggang sa ating huling araw sa mundo o higit pa.
Kaya para sa araw ng mga puso ay ipinakikilala ko ang aking pamilya...Ang tatlong henerasyon ng mga taong umiibig at umibig.
Sila ang mga babae sa pamilya namin...mga matatag at matatapang na babaeng humaharap sa hamon ng buhay at pag-ibig. At sa di sinasadyang galaw ng tadhana ay mukhang pare-pareho kami ng landas ng puso na tinatahak.
Si Veronica...ang aking lola.
Nagtagpo sila ni Benjamin noong sila ay bata pa sa kanilang probinsiya...sa Taal, Batangas. Madali silang nagkagustuhan at nagbuo ng relasyon. Tumututol ang pamilya ni Veronica sa pag-iibigan ng dalawa sa kadahilanang marami raw pangarap ang mga magulang niya sa kanya. Mahirap din daw na hindi niya makikita ang kasintahan ng mdalas sa kadahilanang mula pa sa Pampanga si Benjamin. Pero matigas ang ulo ni Veronica. Ipinaglaban niya ang pagmamahal kay Benjamin. Kung sa pangarap din lang namn ng kaniyang mga magulang, ayaw niyang tumulad sa kanyang mga kapatid na babae na naging guro at tumandang dalaga. Dahil pa dito, ang kanyang paboritong ate ay nabaliw sa kalungkutan. Kung kaya, nagtanan sila ni Benjamin at pumuntang Maynila...dala-dala ang sumpa sa mga sarili na hindi muling babalik sa kani-kanilang probinsiya.
Nagagawa nga naman lahat kapag ginusto at may kasamang pagmamahal. Kinaya ng dalawang buhayin ang mga sarili. Nagtayo na rin sila ng sariling pamilya. Bagama't hindi mayaman ay naibibigay naman nila ang mga kinakailangan ng mga anak. Nagkaroon sila ng walong anak na nabuhay. Si Alberto, Zenaida, Corazon, Minerva, Lucia, Benigno, Monica at Maria.
Nagsama silang dalawa ng matiwasay. Kahit na nalaman pa ni Veronica na nagkaanak si Benjamin sa ibang babae ay hindi siya nakipaghiwalay dito. Sa kasawiang palad, ay maagang namatay ang babaeng naanakan ni Benjamin. Kung kaya, inako ni Veronica ang anak nito at itinuring niyang parang sa kanya.
Marubdob ang pagmamahal nila sa isa't-isa. Na kahit na nao na yata ay hindi sila maaring mapaghiwalay. Natatandaan ko pa noong bata pa ako ay nagkukuwento pa si lola kung paano sila maglambingan.
Dahil sa paninigarilyo ay namatay si Benjamin. Nalungkot si Veronica. Pero hindi natapos doon ang pagmamahal niya sa asawa. Hanggang ngayon ay nakukuwento niyang dinadalaw pa rin siya nito sa panaginip upang kahit doon ay mabuhay ang kanilang pagmamahalan.
Si Corazon...ang aking ina.
Pangatlo siya sa magkakapatid. Kahit hindi panganay ay siya ang nagsilbing pinaka-ate sa mga nakakabatang kapatid dahil na rin sa maagang pag-aasawa ng kanyang kuya at ate. SIya na rin ang naging katulong ng mga magulang sa negosyo at bahay. Kahit kailan ay hindi nagreklamo si Corazon tungkol doon. Sinunod niya ang lahat ng utos ng magulang kahit ang naging kapalit noon ay ang kanyang pag-aaral. Isinuko niya ang pag-aaral upang ituon lahat ng oras at pagmamahal niya para sa pamilya. Lahat ng hirap ay tiniis niya. Kahit mawalan siya ng sariling buhay ay ginawa niya.
Minsan nga, hanggang ngayon ay pinag-aawayan pa rin namin kung bakit niya pinagpalit ang edukasyon para sa pamilya niya. Ang lagi naman niyang sagot ay dahil daw mahal niya ang mga ito. At hindi naman daw iyon ang kailangan para maghusgahan siya ng tao. Minsan naniniwala na rin ako sa kanya. Dahil sa kanilang lahat na magkakapatid, siya ang pinakasuccessful at may kaya.
Hanggang sa dumating sa buhay niya si Florendo. ang una at huling lalakeng minahal ni Corazon. Bagamat nagmamahalan na, ay pinaghintay pa rin ng matagal ni Corazon ang lalake upang matiyak lamang na bago siya lumagay sa tahimik ay maayos na ang buhay ng kanyang mga kapatid. Dahil doon, ay matanda nang nakapag-asawa si Corazon. Mabuti at nabiyayaan sila ni Florendo ng isang anak na ubod ng galing at ganda...kahit na maldita.
Pero wala ata sa kapalaran talaga ni Corazon ang maging asawa. Mabilis dumating ay mabilis ding nawala. Matapos ang ilang buwan matapos ipanganak ang anak nila ay binawian na ng buhay si Florendo dahil sa sakit sa puso.
Hindi na naghanap pa ng iba si Corazon mula noon. Muli siyang bumalik sa pinakaalam niyang bagay sa mundo-iyon ay ang pagmamahal sa pamilya. Imalagaan niya ng buong puso ang anak at itinaguyod ito. Minahal niya ito ng buong-buo kahit ano pa ito.
At sa huli...si Maldita
Siya ang butihing anak ni Corazon. "Unica Hija" ng pamilya. Dahil sa maagang pagkamatay ng ama ay pinalaking mag-isa ng kanyang ina. Ngunit hindi naman siya nagkulang ng pagmamahal mula dito. Nakuha lahat ni Maldita ang kinakailangang pagmamahal mula sa ina upang matawag ngang isang pamilya ang kung ano mang meron sila kahit na walang tatay.
Pinalaki siya ng kaniyang ina na puno ng prinsipyo at tamang paniniwala sa buhay...na kaniya rin namang dinadala magpahanggang ngayon. Isa sa mga mahahalagang itinuro sa kanya ng ina ay ang katotohanang hindi mo makukuha ang lahat ng gusto mo sa buhay. Kahit nag-iisang anak lang siya, mula pa noong bata, ay sinisigurado ng kaniyang ina na hindi sa lahat ng panahon ay ibibigay nito ang lahat ng gusto ng bata.
Laging sinasabi ni Corazon sa anak na "Hindi ka dapat masanay na makuha lahat ng gusto mo. Dapat matuto ka rin mafrustrate kung minsan. Hindi magandang makuha mo ang lahat ng gusto mo. Dahil paglaki mo at nasanay kang ganyan ay masasaktan ka lang dahil hindi mo laging makukuha ang nais mo sa tunay na mundo".
Bata pa lang noon si Maldita ngunit ganito na kalalim ang mga itinuturong aral sa kanya ng ina.
AT ngayong malaki na siya ay natatandaan niya pa rin iyon. Lagi niyang isinasapuso ang aral na ito.
Ngunit minsan kapag nag-uusap kami ng sarilinan ay nalulungkot pa rin siya. Dahil sa kahit na masyado na niyang naisapuso ang aral ay hindi niya pa rin ito maintindihan ng lubusan.
Lalo na at ang pinakamalaki naman niyang inaasam lang buong buhay ay matagpuan ang taong mamahalin niya at mamahalin siya pabalik.
Tatlong nilalang...
Isang nagmahal ng buo at ipinaglaban ang pag-ibig hanggang kamatayan...
Isang nagmahal at nagsikripisyo ng buhay para sa iba.
At isang nagmahal at hanggang ngayon ay patuloy na umaasang mamahalin siya...
Ito ang tatlong henerasyon ng mga mangingibig sa aking pamilya.