Katotohanan...BitterBitch!
Lahat tayo ay may mga maskarang sinusuot araw-araw upang ikubli ang kung ano mang mga bagay na ayaw nating ipakita sa iba. Marahil ito ay ang masamang pagkatao natin na ayaw nating ipakita sa iba, mga sikretong kapag lumabas ay magsisimula ng ating kasiraan, o minsan, ang mga kahinaan nating hindi maaring malaman ninoman upang hindi nila ito magamit laban sa atin.
At sa panahon natin ngayon, sa daming bagay na kailangan nating itago sa madla ay hindi lamang isang maskara ang isinusuot natin. Isa sa pamilya, sa kaibigan, etcetera...etcetera. Kung minsan pa ay napapagbaliktad na natin ang kung anong maskara ang dapat nating gamitin.
Habang naghahalungkat ako ng gamit kagabi ay may nakita akong maikling sulat na ibinigay sa akin ng aking kaibigan.
Nakalagay doon na... "Mahirap ang ating kalagayan dahil hindi natin maaring ipakita ang tunay nating mukha sa iba sa likod ng ating mga maskara. Kinakailangan ito alinsumod sa batas ng tao, kalikasan at ng diyos kung meron man."
Napaisip tuloy ako.
Mahirap ngang kumawala sa kung ano mang maskara ang sinusuot mo.
Siguro, hindi na mahalaga ngayon kung ano ang tunay na ikaw...kundi ang maskarang sinusuot mo. Mahirap kasing ilantad mo ang tunay mong mukha pagkatapos ay hindi naman pala magugustuhan ng iba.
Nawawala na ang katotohanan sa ating mga bagay dahil sa samu't-saring pagkukunwaring ginagawa nating lahat.
Nakakatakot lang.
Baka sa susunod akong magtanggal ng maskara ay maskara pa rin pala...
O di kaya...
Wala pala talaga akong mukha at binubuo ko lang ang aking pagkatao gamit ang aking mga maskara.
Masama bang subukang ipakita ko ang tunay kong sarili?
No comments:
Post a Comment