ITLOG.
Tuwing EASTER SUNDAY, nagkakaroon ng tradisyon kung saan hinahanap ang mga itlog na nakatago upang magkaroon ng premyo o kung anu pa man....
Hayaan niyong ikuwento ko sa inyo ang kuwento ng aking itlog...
Nakakamangha ang mga itlog. Isa siyang bagay na nagpapamalas ng isang hiwaga. Ang putting ballot sa labas na tinatawag ding “shell” sa ingles ay ang matigas nitong parte na nagpoprotekta sa loob nito. Matigas ito. Sinadya sigurong ganoon upang hindi masira ang napakalamabot nitong loob. Pero hindi rin naman siyang sobrang matigas na hindi mo na mabubuksan. Tama lang. Tamang-tama lang. Ang loob naman ay naglalaman ng malapot na likido kung saan ito ang ginagamit nating pagkain…sa madaling salita, nakakatulong ito sa atin at nagbibigay sustansiya.
Pero paano natin nalaman na ganito ang itlog? Nalaman natin ito dahil minsan sa ating buhay ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na magbukas nito at makita para sa ating sarili ang tunay nitong hiwaga.
Nakakatuwa ang itlog ano? Para siyang tao. Matigas sa labas. Punong-puno ng maskara at proteksiyon upang iligtas mula sa sakit ang malambot nitong loob. At lahat din naman ng tao, parang itlog, kung makakapagsalita lang sila, ay nag-aasam ding mabuksan, mabasag upang maipakita nila ang tunay na sila sa lahat.
Kaya minsan, naisipan kong ibigay ang itlog ko sa isang tao. Aaminin ko sa aking sarili na hindi pa ako masyadong handa nung mga panahong iyon. Ngunit nilabanan ko ang takot at ibinigay ito sa kanya. Noong una ay inakala kong nagustuhan niya at darating ang panahon na bubuksan niya ang itlog upang kilalanin pa ng mas mabuti…pero hindi. Binasag niya ito sa harapan ko at tinapakan.
Pero hindi ako sumuko. Nagbigay muli ako ng itlog sa isa na naman. Masaya naman kami. Magkalapit ang aming loob. Hanggang sa bubuksan na niya ang itlog. Pagbukas ng itlog ay bugok pala. Kahit gustuhin ay hindi maari. Malungkot pero tanggap ko.
Tumigil ako sumandali. Bigla na akong natakot. Ilang pang itlog ang masasayang. Ilan pa ang mawawasak at masisira para makamit ko ang gusto ko.
Pero dumating siya. Nagsimula ang lahat ng iba. Ibinigay ko sa kanya ang itlog at nangako naman siyang iingatan iyon hanggang sa takdang panahon na maari na itong buksan. Naghintay naman ako. Mahirap maghintay pero ginawa ko dahil hawak ko ang pangako niyang “siya na nga”.
Pero katulad ng iba, wala pa rin pala. Nakita ko na lang ang itlog na nasa basurahan na. Oo, nagbukas nga siya ng itlog…pero hindi ang sa akin. Ipinagpalit niya ang itlog ko para sa ibang itlog na mas nais niyang buksan at kilalanin.
Matapos ang lahat, madaling sabihin na dapat ng sumuko at tumigil. Pero kung hindi ibibigay, masisira lang ito sa akin. At naniniwala akong hindi dapat pinipigilan ang mga bagay kung alam mo naming makakatulong ito sa iba…magbibigay ligaya, pagmamahal…etc.
Hanggang sa may dumating pang isa. Mabait siya. Palangiti at palatawa. Misteryoso rin siya na kahit mag-usap kayo buong araw ay pagkatapos noon…marami pa ring matitirang katanungan tungkol sa kanyang pagkatao. Pero gusto ko siyang kilalanin. Gusto ko dahil pinapasaya niya ako. Gusto ko dahil binubuhay niya ako. Kaya gusto kong ibigay ang itlog sa kanya…at umaasang bubuksan niya ito at kikilalanin…mamahalin.
Dahil ako, kahit sa sandaling panahon pa lamang…handa na akong kunin ang itlog niya, buksan at kilalanin at gawing parte ng buhay ko.
Pero hindi. Binigay ko ang itlog. Pinilit kong buksan niya...pero wala. Naniniwala siyang, hindi kailangang kunin ang itlog at buksan upang maging bahagi siya ng buhay ko.
Pang-apat na to. Ilan pa ang masasayang?
Pero siguro...siguro hindi pa dito nagtatapos ang lahat...
HAPPY EASTER!
Sa mga naghahanap ng itlog...sana mahanap niyo ang hinahanap niyo.
At sa mga natatakot tumayo at maghanap...hindi gugulong ang itlog sa harapan niyo ng basta lang. At kung may gumulong na ng kusa sa harap niyo...kunin niyo na.
At ako...sana makita ko na ang makakahanap at magbubukas ng itlog ko.